Wednesday, February 27, 2008 |


Paano nga ba ang maging baliw?

Aba, malay ko ba. Palagay ko ay nasa tamang katinuan naman ako. diba?

Minsan naiisip ko, ano kayang naiisip nila? Bakit kaya sila tumatawa? Sino kayang nakikita at nakakausap nila na hindi naman nakikita ng iba? Bakit kaya sila nagkaganon?

Nagkaroon ako ng interes sa ganito nung pumunta kami sa National Center for Mental Health. Kung hindi pa ako mapapadpad doon, hindi ko pa maiintindihan ang pag-uutak ng mga pasyenteng meron kami. Noong una pa nga’y nakakatakot dahil hindi kami basta basta pwede makipag-usap sa kanila gaya ng pag-uusap ng isang normal na tao. Kumbaga, dapat ay isipin mo muna lahat ng sasabihin o gagawin mo na makikita ng pasyente dahil ito’y maaaring makakaapekto sa kanya. Importante ang self-awareness dahil paano mo sila maiintindihan kung ang sarili mo nga’y hindi mo maintindihan. Lahat ng gawin mo ay may kahulugan. Hindi pwede magtanong ng “bakit” dahil pag-iisipin o icconfuse mo ang pasyente sa ganitong paraan. Hindi pwedeng mabilisan, dapat dahan-dahanin sila. Kung may nakikita man sila na hindi totoo sa paningin mo, i-acknowledge mo pero ipakita mo ang katotohanan na wala ka talagang nakikitang ibang tao maliban sa inyong dalawa.

Yung pasyente ko noong nakaraang taon.. naging palaboy siya sa kalye ng luneta. Dinampot ng mga pulis at ipinaubaya sa mental. Syempre tinanong ko siya sa mga nangyari noong nakaraan. Pero hindi niya nabanggit sa akin na dinampot siya sa luneta. Mayroong pangalan ng lalake na lagi niyang binabanggit. Don Manuel de Legazpi (kung hindi ako nagkakamali) ..hindi siya nalalayo sa pangalan ng isang Espanol na sumaklaw ng pilipinas. Paulit ulit ulit niyang sinasabi yung pangalan nung taong yun (kung sino man siya).. Lolo daw niya iyon. Mayaman daw blahblahblah. Kinukwento niya pa kung gaano kalaki ang rancho ni de Legazpi. Kung paano sila maglaro sa mga puno doon.. at kung anu-ano pa. nakikita ko ang kislap sa mga mata ng matandang kausap ko ang kagalakan sa tuwing kinukwento niya si Don Manuel. siyempre, hindi ko naman pwedeng paniwalaan basta basta ang mga sinasabi niya. pero hindi ko pa rin mapigilan mag-isip kung sino kaya yung lalakeng yun at anong naging kontribusyon niya sa buhay ng pasyente ko. O kaya naman ay gawa gawa lang yun ng taong kausap ko gamit ang kanyang imahinasyon. Maaring totoo.. pwede rin namang hindi.

Karamihan sa kanila ay inabandona na ng sarili nilang mga pamilya. Gumaling man ang pasyente, binabalik pa rin sa mental dahil ayaw na silang tanggapin ng pamilya nila dahil sa takot na bumalik ang diperensya ng mga ito sa utak. Nakakaawa naman sila.. hindi ba? Kaya naman doon na rin sila namamatay at inililibing sa bakuran ng mental.

Dapat talaga’y marunong kang magdala ng problema. Wag masyadong dibdibin kung anong pangyayari man ang naganap o magaganap. Kilalanin ang sarili at matutong ilabas ang emosyon dahil kung ikaw ay mahina at kinakain ka na ng utak mo kakaisip.. maaaring sa loob ang bagsak mo.

Ano nga kayang pakiramdam ng isang baliw? Mabalik pa kaya sila sa tama nilang katinuan? Matanggap pa kaya sila ng mga taong normal?