Friday, January 26, 2007 |

Sino siya?

Ahh. Oo, kilala ko siya. Matagal na rin kami magkakilala. Marahil hindi mo siya kilala dahil ako lang ang may kakilala sa kanya. Tahimik kasi siyang tao. Ayaw niya ng maraming nakakaalam ng buhay niya. Ayaw niya ng may nagmamanipula kung anong dapat at hindi niya dapat gawin. Ayaw niya sa mga taong chismoso/a na wala ng ibang ginawa kundi pag-usapan ang buhay niya. Ayaw niya sa mga taong walang pangarap dahil hibang siya pag nangangarap. Ayaw niya ng magulo at maingay. Ayaw niya sa mainit na lugar. Ayaw niyang ipagsiksikan ang sarili niya. at higit sa lahat, ayaw niya nang umiyak.

Sabi niya sa akin, Gusto daw niya ng payapang buhay. Yun bang walang nakikiaalam, walang nagmamanipula at walang nagdedesisyon para sa kabutihan niya. Bakit? Ano nga bang paki mo, e buhay niya yun.

Lagi mo siyang makikitang malungkot sa sulok ng kanyang mumunting kwarto.. nag-iisip kung tama nga bang wakasan ang buhay at magpaalam sa pait ng kahapon. Itong kaibigan kong ito, medyo hindi pinalad sa pag-ibig. Laging sawi. Yung una niyang minahal ay iniwan siya, yung pangalawa naman ay humanap ng iba, yung ikatlo ay kinailangang umalis upang mangibang bansa, at yung ikaapat.. ewan ko na.

Kung tumawa man siya ay naku, pasalamat ka na dahil minsan lang ito at swerte ka na kung marinig mo ang halakhak niya na para bang kinikiliti. Sa dami ng iniisip niya, hindi na niya alam kung saan niya isisingit ang kasiyahan. Parang kinalimutan na niya ang pagtawa. Puro hinagpis na lamang ang natira.

Kaya ngayon, nananahimik ang puso niya dahil sa takot na magmahal muli. Ngunit binulong niya sa akin na siya'y patuloy na nagdarasal na sana.. SANA.. may dumating at sa pagkakataong ito, hawakan ang kamay niya at sabay nilang labanan ang hinaharap.