Kung ang Tula ay Pop Corn
ni Joel Malabanan
Maalat, malutong ang mga kataga
Masarap sa dila ang sukat at tugma
Subalit kapagka nasunog ang diwa
Mapait ang lasa at nakasusuka
Pag-inasukalan matamis din naman
Gaya ng pag-ibig na nararamdaman
Kung tama ang timpla ay masarap tikman
Katulad mo sinta, pag nasa sinehan
Subalit ang tula`y higit pa sa mais
Kapag ang lumikha`y may dakilang nais
Pulso ng kataga`y may buhay na diwa
Kung tugma`y hinabi upang magpalaya
*ayan, namiss ko agad ang popcorn!*